Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, higit sa lahat ng bagay. Siya ang lumikha ng lahat. Ayon sa Colosas 1:16-17, “Sapagkat sa pamamagitan Niya ay nilikha ang lahat ng bagay, na nasa langit at nasa lupa, nakikita at hindi nakikita,… lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan Niya at para sa Kanya”. Kaya nakikita natin, hindi lamang Niya tayo nilikha, ngunit nais Niya rin na makilala natin Siya at magkaroon ng relasyon at pagkakaibigan sa Kanya.
Ipinakikita ng Bibliya mula pa sa simula na dumating ang Diyos at nakipag-usap kay Adan at Eba araw-araw – iyon ang Kanyang hangarin mula sa simula. Ngunit, nakalulungkot, nang suwayin ni Adan at Eba ang Diyos, nasira ang pagkakaibigan at relasyon na iyon. Simula noon, ang kasalanan at pagsuway sa Diyos ang naging hadlang sa ating lahat at sa Diyos.
Pag-aalis ng hadlang
Kung makakahanap tayo ng paraan para maalis ang hadlang ng kasalanan, muling magbubukas ang ating landas patungo sa pagkakilala sa Diyos. Sinabi ng Diyos na ang sinumang nagkasala ay mamamatay. Ibig sabihin: hindi lamang tayo mamamatay pagkatapos ng ating buhay sa mundo ngunit mamamatay din tayo sa espirituwal, na nangangahulugang magiging hiwalay tayo sa Diyos magpakailanman na walang pagkakataong makilala Siya at mabuhay kasama Siya magpakailanman – na siyang plano Niya para sa lahat.
Ang Lumang Tipan
Sa buong Lumang Tipan, makikita natin ang mga kuwento ng mga taong malapit na nakakilala sa Diyos, at marami sa kanila ay ipinadala bilang mga mensahero para tulungan ang mga taong nais ng relasyon at pagkakaibigan sa Diyos, upang malaman kung ano ang dapat nilang gawin.
Ang Bagong Tipan
Sa Bagong Tipan, nakita natin na ang Diyos ay naging tao, si Jesus, at nanirahan kasama natin. Siya ay nabuhay ng 33 taon, ngunit sa huling 3 taon lamang Niya inihayag kung sino Siya, at bakit Siya naparito. Ang pangunahing dahilan ng pagdating ni Jesus sa mundo ay para maalis ang hadlang ng kasalanan at tayo ay malayang makilala Siya.
Si Jesus ay Diyos
Paulit-ulit na sinabi ni Jesus na Siya ay Diyos. Sinabi Niya sa mga Hudyo na Siya ang pinakahihintay ng mga Hudyo dahil maraming beses na sinabi ng Diyos simula pa sa Genesis na may darating na magliligtas sa kanila. Tinawag Siya ng mga Hudyo na Mesiyas. Inamin ni Jesus na Siya ang Mesiyas.
Ang Batas ng Diyos
Sabi ng batas ng Diyos, ang sinumang nagkasala ay dapat mamatay. Sa Lumang Tipan, ipinakita ng Diyos sa Kanyang mga tao sa pamamagitan ng sistema ng mga sakripisyo, na kung mayroong perpektong sakripisyo na magtitiis ng kanilang parusa, kung gayon sila ay magiging malaya. Nag-aalay sila ng mga tupa at mga kambing na malakas at malusog ngunit napagtanto nila na hindi ito sapat para alisin ang kanilang kasalanan. Kinailangan nilang mag-alay tuwing sila ay nagkasala.
Ang Kordero ng Diyos
Nang dumating si Jesus, sinabi ni Juan Bautista tungkol kay Jesus “Narito ang kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng mundo” (Juan 1:29). Kaya kinakailangang mamatay si Jesus, hindi dahil Siya ay nagkasala, kailanman ay hindi Siya nagkasala, ngunit upang tanggapin ang parusa para sa ating kasalanan. Sinabi ni Jesus “para sa layuning ito ako ay naparito”. (Juan 12:27)
Nabuksan na ang daan para makilala natin ang Diyos
Nang mamatay si Jesus sa krus, ang Kanyang huling salita ay “Naganap na” (Juan 19:30) na ang ibig sabihin ay natapos na ang gawain sa Kanyang pagparito sa mundo. Gayundin, sa templo, ang kurtina sa pagitan ng banal na lugar at ang kabanal-banalan, ang lugar kung saan naninirahan ang Diyos kasama ang Kanyang mga tao, ay nahati sa dalawa bilang simbolo na ang daan patungo sa Diyos ay ngayon bukas para sa lahat.
Oo, makikilala natin ang Diyos
Kaya ngayon, makikilala natin ang Diyos para sa ating sarili dahil binuksan ni Jesus ang daan para sa lahat ng naniniwala sa Kanya. Sa Juan 3:16, sinabi ni Jesus “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mundo, na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang maniwala sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Sa Juan 17:3 sinabi rin ni Jesus “ito ang buhay na walang hanggan, na makilala nila Kayo, ang tanging tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na inyong sinugo.” Kaya hindi lamang natin makikilala ang Diyos, ngunit makikilala natin Siya nang higit pa at higit pa at mabubuhay kasama Siya magpakailanman.
Kung interesado ka kung paano mo makikilala ang Diyos para sa iyong sarili, tingnan sa site na ito ang iba’t ibang paksa na makakatulong sa iyo, tulad ng “Paano ako magiging Kristiyano”. Ito ang magdadala sa iyo sa susunod na hakbang ng pagkilala sa Diyos.

