Napakahalagang tanong ito na dapat itanong ng bawat bagong Kristiyano. Ang pagiging Kristiyano ay simula ng bagong buhay, bagong pagkakaibigan, at relasyon sa Diyos, ang Manlilikha ng mundo. Mahalaga na malaman natin kung paano tayo lalapit sa ating pakikipagkaibigan sa Diyos at mamuhay ng buhay na nakalulugod sa Kanya. Narito ang ilang paraan upang matulungan tayo sa paghahangad na makilala ang Diyos at mamuhay para sa Kanya:
1. Paglalaan ng Oras sa Diyos
Ang pinakamahalaga ay ang paglalaan ng oras sa Diyos, sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbabasa ng Bibliya, at pananalangin sa Kanya—pagpapahayag ng ating mga tanong, alalahanin, at suliranin. Manalangin para sa tulong at gabay upang mamuhay para sa Kanya at maunawaan ang kahulugan ng pagiging Kristiyano. Ang pag-aaral at pananalangin ay dapat maging bahagi ng ating araw-araw na buhay; ito ang tinatawag na Quiet Time sa salitang Kristiyano. Dapat din magkaroon ng mga pagkakataon, kahit hindi araw-araw, na gawin ito kasama ang iba pang Kristiyano, upang mag-aral ng Salita ng Diyos at manalangin nang sama-sama.
Mga Talata: Mateo 6:6, Santiago 4:8, Awit 1:1-6, Marcos 1:35-37 (MBBTAG)
2. Humingi ng Kapatawaran
Ang bawat Kristiyano ay nagkakasala pa rin, kahit nagsimula na ng bagong buhay, dahil mayroon pa tayong kaaway na galit sa atin at sa Diyos. Kaya kapag alam mong nakagawa ka ng kasalanan, huminto sa paggawa ng mali at humingi ng kapatawaran at paglilinis mula sa Diyos.
Mga Talata: 1 Juan 1:8-9, Awit 32:5, Kawikaan 28:13 (MBBTAG)
3. Makisalamuha sa Ibang Kristiyano
Dumalo sa simbahan o makipagkita sa ibang Kristiyano upang magbahaginan at magpalakasan sa pananampalataya, makatanggap ng mga turo upang lumago sa espiritwal.
Mga Talata: Gawa 2:42, Hebreo 3:13, Hebreo 10:24-25, 1 Pedro 2:5-6 (MBBTAG)
4. Magbasa ng mga Kristiyanong Libro
Magbasa ng mga Kristiyanong aklat na nagtuturo, naglalaman ng mga patotoo ng ibang Kristiyano, talambuhay, mga debosyonal, o mga libro tungkol sa partikular na paksa patungkol sa buhay Kristiyano at Salita ng Diyos.
5. Magbahagi ng Pananampalataya (Evangelism)
Ibahagi ang iyong pananampalataya at karanasan sa Diyos sa mga hindi pa nakakakilala sa Kanya. Sa ganitong paraan, mapagtitibay mo ang iyong kaalaman sa Diyos, at maaalala kung bakit ka naging Kristiyano. Bukod dito, ito’y isang paraan upang maluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo o kung paano Siya tumulong sa iyo.
Mga Talata: 2 Pedro 3:15, Marcos 16:15-16, Roma 1:16, Roma 10:9-10 (MBBTAG)
6. Magkaroon ng Coach, Mentor, o Spiritual Director
Maghanap ng coach, mentor, o spiritual director. Hindi sila magdidikta ng gagawin mo, ngunit sila ang magpapalakas at magpapalago sa iyong relasyon sa Diyos. Sila ang magpapakita ng malinaw kung ano ang nais ng Diyos sa iyo at tutulong sa iyong manatiling tapat sa mga desisyon mong sumunod sa Panginoon.
Mga Halimbawa sa Bibliya: Jethro (Exodo 18:1-24), Pablo (1 Tesalonica 3:10, Efeso 4:11-12), Bernabe (Gawa 9:23-31), at si Hesus sa Kanyang mga disipulo.
7. Mamuhay ng Malusog
Maglaan ng oras upang magpahinga, mamuhay nang malusog, at alagaan ang iyong katawan, gayundin ang iyong kaluluwa, sapagkat ang iyong katawan ay templo ng Diyos. Nananahan ang Banal na Espiritu sa bawat Kristiyano.
Mga Talata: 1 Corinto 3:16, 1 Corinto 6:19-20 (MBBTAG)
8. Magnilay (Meditation)
Magnilay sa Salita ng Diyos—ito’y nangangahulugan ng pagninilay sa kung ano ang iyong nabasa mula sa Bibliya, maaaring sa iyong Quiet Time o mula sa sermon o pagtuturo. Pag-isipan ang talatang ginamit ng Diyos upang hamunin ka, at hilingin sa Diyos na tulungan kang maunawaan ito nang lubos at maipatupad ito sa iyong buhay.
Mga Talata: Josue 1:8, Awit 1:2 (MBBTAG)

