Ang Bibliya ay hindi iisang aklat, kundi isang koleksyon ng mga aklat na isinulat sa iba’t ibang panahon at ng iba’t ibang mga may-akda. Narito ang napakaikling paglalarawan sa nilalaman ng bawat aklat ng Bibliya na nasa Lumang Tipan at isinulat bago isinilang si Jesucristo bilang isang sanggol na tao. Para sa ilan sa mga aklat na ito ng Bibliya, mayroon din kaming mas malawak na pangkalahatang-ideya ng artikulo (i-click lamang ang link kung ito ay ibinigay).
Ang Pentateuch: limang aklat na isinulat ni Moises
- Genesis – Itinala dito kung paano nilikha ang daigdig, ang sinaunang kasaysayan ng sangkatauhan at ang malaking baha. Bukod dito, naglalaman rin ito ng mga kuwento tungkol sa mga ninuno ng Israel na sina Abraham, Isaac at Jacob.
- Exodo – Nakatala sa aklat na ito kung paano pinalaya ang Israelita mula sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto at ang kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako, sa Canaan. Sa paglalakbay na ito, tinatanggap nila ang batas ng Diyos at nagtayo ng tabernakulo.
- Levitico – Naglalaman ito ng mga detalyadong batas sa isang seremonya upang magkaroon muli ng kaugnayan sa isang banal na Diyos ang isang makasalanang tao.
- Mga Bilang – Nakatala dito kung paano naglakbay sa gitna ng disyerto ang mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, dahil hindi sila nagtiwala sa Diyos nang papasok na sila sa lupain ng Canaan.
- Deuteronomio – sinasabi rito kung paano inulit-ulit ni Moises ang mga batas ng Diyos para sa mga tao bago sila pumasok sa lupain ng Canaan, at pagkatapos ay siya ay namatay.
Karagdagang mga aklat pangkasaysayan
- Josue – itinala rito kung paano sinakop ng mga Israelita, sa ilalim ng pamumuno ni Josue, ang lupain ng Canaan at nanirahan doon.
- Mga Hukom – Ito ay tungkol sa buhay ng bansang Israel bago sila nagkaroon ng hari. Ang panahong ito ay paulit-ulit na pangyayari ng paglisan ng Israel sa Panginoon, hinahatulan sila ng Panginoon, nagsisisi ang mga tao at iniligtas sila ng Diyos mula sa mga kaaway at iba pang mga kaguluhan – at pagkatapos, muli silang hindi naging tapat sa DIyos. Ang pangyayaring ito ay mas naging masahol pa.
- Ruth – Ang munting aklat na ito ay naglalaman ng kuwento ng buhay nina Naomi at Ruth. Si Ruth ay isang banyagang balo na nakatagpo ng bagong kaligayahan sa Israel at naging ninuno ng maharlikang pamilya ng Israel.
- Una at Ikalawang Samuel – Sinasaklaw nito ang panahon ng pamumuno ni Samuel at ang paghahari ng mga unang hari ng Israel, sina Saul at David. Lumilitaw na masamang hari si Saul, ngunit kapwa sinikap nina Samuel at David na maglingkod sa Diyos.
- Una at Ikalawang Mga Hari – Sinasaklaw nito ang yugto mula sa kahalili ni David na si Solomon hanggang sa mga sumunod pang hari ng Israel kung saan naglalarawan na karamihan sa kanila ay tumalikod sa Panginoon. Sa wakas, ang lupain ay nawasak at ang mga tao ay ipinatapon ng mga Babylonia, bilang paghatol ng Diyos sa kanilang pagsamba sa diyos-diyosan at kawalan ng katapatan.
- Una at Ikalawang Cronica – Ang mga aklat na ito ay nagbibigay ng pasilip sa kasaysayan ng Israel, simula kay Adan at nakatuon ito sa paghahari ni David at sa pagtatayo ng templo. Iniulat din nila kung paano tumalikod sa Diyos ang mga sumunod na hari at kung paano tuluyang ipinatapon ang mga tao at nawasak ang templo.
- Ezra – Itinala rito kung paano bumalik ang natirang Israelita mula sa kanilang pagkabihag at muling itinayo ang templo sa Jerusalem.
- Nehemias – Sinasabi nito ang tungkol sa parehong panahon, mula sa pananaw ni Nehemias na nakatanggap ng labis na pagtutol at pangugulo nang sinubukan niyang itayo ang mga pader ng lungsod ng Jerusalem.
- Esther – Ikuwinento rito kung paano naging isang reyna ng Persia ang isang batang babaeng Hudyo at ang bayang Hudyo ay naligtas mula sa pagkawasak.
Mga aklat na patula
- Job – Sinabi sa aklat na ito kung paano naharap ang isang taong may takot sa Diyos sa malalaking pagsubok, at nakipagbuno upang maunawaan ang Diyos sa gitna ng kanyang pagdurusa sa pamamagitan ng pagtalakay sa kanyang sitwasyon sa kanyang mga kaibigan.
- Mga Awit – Isang koleksyon ng isangdaan at limampung (150) kanta na pangunahing isinulat ni David. Ang ilan sa mga kantang ito ay napakapribadong mga tula, ngunit marami ang inilaan para sa pampublikong pagsamba.
- Mga Kawikaan – Isang koleksyon ng matatalinong kasabihan tungkol sa buhay, na tinipon ni haring Solomon.
- Mangangaral – Isang pilosopiyang sumasalamin sa tamang paraan ng pamumuhay at ang kahulugan ng buhay.
- Awit ng mga Awit – Isang koleksyon ng mga tula ng pag-ibig na nagdiriwang ng wagas na pag-ibigan ng isang lalaki at isang babae — at nagpapahiwatig ng pagmamahal ng Diyos para sa kanyang simbahan.
Mga aklat ng propeta
- Isaias – Naglalaman ito ng mga babala tungkol sa pagkabihag sa Babilonya, ngunit mayroon din itong mga propesiya ng pag-asa tungkol sa panunumbalik sa darating na panahon at ang darating na Mesiyas.
- Jeremiah – Sa kontekstong katulad ng kay Isaias, ang aklat na ito ay nagpahayag ng paghatol ng Diyos sa kawalan ng katapatan at kasalanan ng Israel, ngunit nagbibigay din ito ng pananaw sa isang bagong tipan na gagawin ng Diyos sa Israel at sa mga bansa.
- Panaghoy – Isang koleksyon ng mga dalamhating isinulat ni Jeremias, na nananaghoy sa pagbagsak ng Jerusalem at sa pagkawasak ng Babylonia sa templo.
- Ezekiel – Ito ay isinulat para sa mga Hudyo sa panahon ng kanilang pagkabihag. Ito ay naglalaman ng mga mensahe ng babala at kaaliwan, at mga pangitain ng isang bagong templo.
- Daniel – Ikinuwento rito ang tungkol sa mga karanasan ni Daniel, isang matalinong tao na mataas ang ranggo sa imperyo ng Babylonia at Persia. Ang aklat na ito ay naglalaman din ng mga pangitain ni Daniel tungkol sa hinaharap ng Israel at ng mundo.
- Oseas – Ito ay naglalaman ng mga akusasyon ng Diyos tungkol sa hindi katapatan ng Israel, ngunit binibigyang-diin din na mananatiling tapat ang Diyos sa Kanyang tipan at ibabalik sila pagkatapos na sila ay parusahan.
- Joel – Ipinahayag rito ang mga kapighatian sa Juda at sa mga nakapaligid na bansa, ngunit ipinangako rin ditto ang isang mas magandang kinabukasan kung saan ibubuhos ang Espiritu ng Diyos sa lahat ng may buhay.
- Amos – Ito ay hula ni Amos na ang hilagang kaharian ng Israel at iba pang kalapit na mga bansa ay parurusahan ng mga mananakop mula sa hilaga, at ng katuparan ng kaharian ng Mesias.
- Obadias – Babala niya laban sa karatig na mga tao ng Edom, dahil napakasama ng pakikitungo nila sa mga Israelita at haharapin nila ngayon ang paghatol ng Diyos.
- Jonas – Kuwento tungkol sa isang nag-aatubiling propeta na inatasang mangaral laban sa Nineveh ngunit ayaw nito, dahil alam niyang magiging maawain ang Diyos kung magsisi ang mga tao. Ngunit ang Diyos ay nagpapatunay na mas malakas kaysa kay Jonas, at ang mga tao ng Nineveh ay tunay na naligtas.
- Mikas – Ipinahayag rito ang paghatol ng Diyos sa pagsamba sa diyos-diyusan, kawalan ng hustisya sa lipunan, mapagpaimbabaw na relihiyon, at katiwalian sa pulitika ng Juda at ng mga pinuno nito. Nagbigay din si Mikas ng ilang kislap ng pag-asa tungkol sa darating na Mesiyas at sa Kaharian ng katarungan ng Diyos.
- Nahum – Hinulaan niya ang pagbagsak ng kabiserang lungsod ng Asiria, ang Nineveh (na siyang pangunahing kaaway ng Israel)
- Habakkuk – Ang propetang ito ay nagreklamo sa Diyos tungkol sa kawalang-katarungan at karahasan sa Juda, ngunit natigilan ito ng sagutin ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga hukbo ng Babilonia. Si Habakkuk ay lubhang nabalisa, ngunit patuloy na nagtiwala sa Diyos.
- Zefanias – Nagbabala siyang hahatulan ng Diyos ang Israel at ang mga bansang nakapaligid dito, ngunit nangako rin na ibabalik Niya sila sa kapayapaan at katarungan.
- Hagai – Pinayuhan niya ang mga bumalik na ipinatapon sa ibang lugar na muling itayo ang templo ng Diyos.
- Zacarias – Mga Pangitain tungkol sa gawain ng Diyos ‘sa likod ng mga eksena’, at mga hula tungkol sa pagpapanumbalik ng Israel.
- Malakias – Pangaral sa isang panibagong katapatan sa tipan ng Diyos – hindi lamang sa panlabas, kundi buong puso. Bukod dito, ipinahayag ni Malakias ang pagdating ng Mesiyas.
Ito ay napakaikling mga paglalarawan. Upang matuto nang higit pa tungkol sa mga aklat na ito sa Bibliya, maaari kang magpatala sa aming limang kursong Magbasa ng Kasulatan. Nag-aalok ang mga ito ng mga pagpapakilala sa bawat isang aklat ng Bibliya. Ang mga kurso ay ganap na libre, at pagkatapos makumpleto ang isang kurso ay makakatanggap ka ng isang sertipiko. Huwag mag-atubiling mag-sign up at subukan para sa iyong sarili!