Maraming beses sa Bibliya makikita natin ang mga taong naging mayaman at masagana, at gayundin ang mga taong naghirap o nanatiling dukha. Ang salitang “pagpapalain” ay isang mahalagang konsepto rito. Ito ang kabutihang-loob at biyaya ng Diyos na maaaring espiritwal at materyal, ngunit higit sa lahat ay nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa Kanya.
Ang Espirituwal na Pagpapala
Ang “pagpapala” sa Bibliya ay madalas tumutukoy sa materyal na kasaganaantulad ng lupa, mga alagang hayop, kalakalan, at masaganang ani (halimbawa si Abraham sa Genesis 13:2). Ngunit higit sa lahat, ang pagpapalang biblikal ay nakasentro sa relasyon ng tao sa Diyos. Ang tunay na pinagpala ay yaong tumatanggap ng pag-iingat ng Diyos, ng Kanyang banal na kagalakan, at ng Kanyang biyaya (cf. Genesis 12:2–3). Higit pa sa sukat ang ating pagpapala kapag tayo’y naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo (Efeso 1:3–14). Ang pamana na ipinangako sa tapat na mananampalataya ay espirituwal, darating pa, at walang hanggan. Ipinapangako ng Diyos ang mga kayamanan sa langit (Lucas 18:22). Gayunman, sa kabila ng lahat ng pagpapalang binabanggit sa Kasulatan, ang kaluguran at pabor ng Diyos sa isang Kristiyano ay hindi nangangahulugang gagawin Niya ang bawat tapat na mananampalataya na mayaman sa materyal na bagay.
Kahirapan sa Pananalapi
May ilan na nakaranas ng kahirapang pinansyal dahil sa kanilang katapatan sa Diyos tulad nina Jeremias, Pablo, at maging si Jesus. Ang kahirapan at kayamanan ay nararanasan ng iba’t ibang uri ng tao. Itinuro ni Jesus na pinasisikat ng Diyos ang araw at pinauulan Niya ang mga matuwid at di-matuwid (Mateo 5:45). Sa Kanyang ganap na kapamahalaan at mabuting kalooban, pinahihintulutan ng Diyos na ang ilan ay magmana o magkaroon ng malaking kayamanan, samantalang ang iba naman ay namumuhay nang salat, kusang pinipiling huwag magpayaman, winawaldas ang kanilang tinatangkilik, o hindi nagkakaroon ng malaking yaman (1 Samuel 2:7).
Maging Kontento
Sa halip na turuan tayong habulin ang kasaganaan, itinuturo ng Bibliya na maging kontento at hanapin ang ating kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo. Ibinahagi ni Pablo sa aklat ng Filipos ang tungkol sa kanyang mga pagsubok at paghihirap, at sa bandang huli ay sinabi niyang natutunan na niyang maging kontento anuman ang kanyang kalagayan. Sinabi niya sa Filipos 4:11–12 (MBBTAG): “Hindi ko sinasabi ito dahil sa ako’y naghihikahos. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. Alam ko kung paano mamuhay sa kahirapan, at alam ko rin kung paano mamuhay sa kasaganaan. Sa lahat ng kalagayan ay natutunan ko ang lihim kung paano masiyahan, may kasaganaan man o nagugutom, may sobra man o kapos.” Ang pagiging kontento ay ang pagtanggap nang may pasasalamat sa anumang ibinibigay ng Diyos ang Pinagmumulan ng bawat mabuting kaloob—at higit sa lahat, ang paghanap ng tunay na kagalakan sa Kanya lamang. Kapag tayo ay kontento sa Diyos, doon natin matatagpuan ang tunay na kasaganaan.
Ebanghelyo ng Kalusugan at Kayamanan
Madalas na nababaluktot ang Ebanghelyo ni Jesucristo tungo sa tinatawag ng marami na “Health and Wealth Gospel” na sa totoo lang ay hindi naman talaga ebanghelyo. Itinuturo ng mga tagapagtaguyod nito na kapag sapat ang “pananampalataya” ng isang tao, tiyak na makakaranas siya ng kagalingan o malaking pagpapalang pinansyal. Sa kasamaang-palad, ang ganitong aral ay lubhang mapanlinlang at nagdulot na ng pagkadismaya ng marami, hanggang sa ang iba ay tumalikod kay Cristo at sa Kanyang iglesya. Kung talagang layunin ng Diyos na maging mayaman ang mga sumasampalataya kay Cristo, bakit natin mababasa sa Bibliya na ang mga Apostol ay dumanas ng napakaraming pagdurusa, pag-uusig, paghamak, at iba’t ibang pagsubok? Maraming beses binanggit ni Jesus ang tungkol sa kayamanan sa mga Ebanghelyo, at paulit-ulit Niya tayong binabalaan laban sa pusong inuuna ang pera. Hindi natin maaaring “paglingkuran ang dalawang panginoon” ang Diyos at ang salapi (Mateo 6:24). Iibigin natin ang isa at kapopootan ang isa. Sa halip, sinabi ni Jesus sa Mateo 6:19–21 (MBBTAG): “Huwag kayong mag-impok ng kayamanan dito sa lupa, kung saan ito’y sinisira ng bukbok at kalawang, at nananakaw ng magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit, kung saan hindi ito masisira ng bukbok o kalawang, at hindi mananakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.” At sinabi rin Niya sa Mateo 6:33 (MBBTAG): “Kaya nga, unahin ninyo ang paghahari ng Diyos at ang pagsunod sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.” Hindi kayamanan ang dapat nating habulin, kundi ang kaharian ng Diyos. At kapag Siya ang una sa ating puso, Siya rin ang bahalang maglaan ng ating pangangailangan.
Babala Laban sa Paghahangad o Pag-aasam ng Kasaganaan
Nagbibigay ang 1 Timoteo 6:6–11 (MBBTAG) ng matinding babala laban sa paghahangad o pag-aasam ng kayamanan: “Ang kabanalan na may kasiyahan sa kalagayan ay malaking pakinabang. Wala tayong dalang anuman sa sanlibutang ito, at wala rin tayong madadala pag-alis natin dito. Kaya kung tayo’y may pagkain at pananamit, masiyahan na tayo roon. Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag ng maraming hangal at mapaminsalang pagnanasa na nagtutulak sa tao sa kapahamakan at pagkawasak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Dahil sa pagnanasa rito, ang ilan ay naligaw mula sa pananampalataya at dumanas ng maraming paghihirap.” Sinabi rin ni Jesus sa Lucas 12:15 (MBBTAG): “Mag-ingat kayo at iwasan ang lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”
Paano Tiningnan ni Jesus ang Kanyang Sariling “Kasaganaan”?
Kung may tanong tungkol sa pangako ng Diyos na kasaganaan, dapat muna nating tingnan kung paano ito nakita ni Jesus sa Kanyang sariling buhay. Mababasa natin sa Filipos 2 na hindi itinuring ni Jesus na isang bagay na dapat panghawakan ang pagiging kapantay ng Diyos. Sa halip, hinubad Niya ang Kanyang kaluwalhatian at nagpakababa. Kinuha Niya ang anyo ng isang alipin, sa halip na maghari bilang Panginoon dito sa lupa. Siya ay naging dukha upang tayo naman ay yumaman sa espirituwal na pagpapala. Kung ang ating Panginoon ay dumaan sa landas ng pagpapakababa at pagsasakripisyo, paano natin maiisip na ang landas ng pagiging alagad Niya ay magiging kabaligtaran? Mas nais ng Diyos na Siya ang maging sentro ng ating paghahangad, Siya ang ating kagalakan at kayamanan. Maaaring ipagkaloob din Niya ang mga materyal na pagpapala, ngunit hindi iyon ang dapat maging laman ng ating puso at panalangin. Ang mas mahalaga ay ang paglago ng ating relasyon kay Jesus at ang buong pusong debosyon sa Diyos. Mayaman man o mahirap, ang buhay-Kristiyano ang tunay na masaganang buhay. Gaya ng paalala sa Santiago 2:5 (MBBTAG): “Pakinggan ninyo, mga minamahal kong kapatid. Hindi ba’t pinili ng Diyos ang mga dukha sa paningin ng sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at magmana ng kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya?”
